Opinion

Kapag ang sikmura ay walang laman

January 24, 2010

  • Akromatiko
    Ni Nicole Louise C. Cabiluna

    Walang magnanakaw kung walang mahirap. Walang mahirap kung walang magnanakaw.

    Hindi maitatangging madaming mga opisyal ang nasasangkot sa mga alegasyon ng katiwalian sa gobyerno. Graft ang isa sa mga tinitingnang dahilan kung bakit patuloy ang kahirapan ng ating bansa. Ano nga ba ito? Hindi lahat ng tao ay nalalaman kung ano nga ba ang malinaw at simpleng depinisyon ng salitang ‘to.

    Isa sa mga depinisyon ng graft ay pagsasamantala sa katungkulan upang yumaman. Ilan lang ang mga salitang pangingikil, pangongotong at ekstorsyon upang magbigay ng payak na ibig sabihin dito.

    Sa isang artikulo noong June 25, 2008, WB: Corruption in RP worst in East Asia ni Doris Dumlao ng Philippine Daily Inquirer nakaulat na napag-alamang ang kurapsyon sa Pilipinas ang pinakamalala sa grupo ng mga nangungunang ekonomiya sa Silangang Asya. At iminungkahi din ng pag-aaral ng World Bank na nangungulelat ang Pinas pagdating sa reporma ng pamahalaan.

    Nakakainis isiping ang mga opisyal ng pamahalaan ay masyadong gahaman sa pera. Ginagamit nila ang kapangyarihan at puwesto para makakuha ng yaman na nanggagaling sa taong-bayan na dapat ay para sana sa taong-bayan din.

    Hindi rin imposibleng kaya patuloy pa rin ang kahirapan sa bansa ay dahil sa mga pagnanakaw ng mga taga-Pamahalaan. Kung ang isang opisyal ay galing sa kahirapan, maaari niyang sunggabin ang pagkakataon habang siya ay nasa posisyon at ang kapangyarihan bilang isang pinuno. Marahil natatakot siyang bumalik sa kahirapan kapag tapos na ang kanyang termino. Upang makaipon hindi lamang para sa kanyang sariling ginhawa kun’di para na rin sa kanyang buong pamilya o angkan, sasamantalahin niya ang oportunidad, mamanipulahin ang mga tauhan at ang tiwalang ibinigay ng mga mamamayan na siyang nagluklok sa kanya.

    Talamak nga ang kurapsyon sa mga mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas. Sabagay, hindi naman na kailangan pang magnakaw ng mga opisyal ng pamahalaan sa mayayamang bansa dahil karamihan naman ng mga tao sa kanila ay nakakaranas na ng marangyang buhay. Ano pa nga bang dapat nilang ikatakot kung matatag, maayos, masigla, at mapayapa naman ang bansang tinitirhan nila?

    Sa kabilang banda, mula sa ‘Ombudsman says RP’s improved ranking in TI’s corruption index should inspire Filipinos even more’ ni Perfecto T. Raymundo sa www.positivenewsmedia.com, tumaas ang ranggo ng Pilipinas na dating pang 141 sa 189 na bansa noong taong 2008, ngayon ay nasa 139 na sa Transparency International’s 2009 (TI) Corruption Perception Index (CPI). Hindi naman masyadong malaking pagbabago. Sa madaling salita, kasama pa rin ang bansa natin sa listahan ng mga bansang nasasangkot at may kaso ng kurapsyon.

    Pero kung lulubha pa ang pagnanakaw ng mga opisyal ng pamahalaan, marahil isa na rin sa mga dahilan ang kawalang-bahala ng mamamayan. Kailangan ding maging mapagmatyag ang taumbayan sa mga ikinikilos ng mga nahalal na pinuno ng gobyerno.

    Hindi ba’t panahon na para isulong natin ang kaunlarang matagal na nating ninanais? Lahat naman tayo, gusto ng matiwasay at maginhawang pamumuhay.

    Sa aking palagay, kinakailangang ibuko ang mga maling gawain ng mga opisyal na ito at ipahiya sila sa publiko. Sa ganitong paraan, malalaman nilang hindi natatakot na ipaglaban ng mga Pilipino ang kanilang karapatan upang magkaroon ng maginhawang buhay at maiiwasan ang pagnanakaw nila na nagreresulta ng patuloy na kahirapan sa bansa.

    Kung karamihan sa ating bansa ay nakakaranas ng masaganang buhay at kaunti na lang ang mahirap, marahil wala nang nakawan sa pamahalan.

    Liwanagin natin sa elocincabiluna@yahoo.com