Ni Bill Andrew L. Rañola
Mga batang naghahabulan, lalaking walang damit pang-itaas at mga naglalabang kababaihan. Ilan lamang sila sa mga unang pumapasok sa isip natin kapag nababanggit ang salitang “riles ng tren” Ngunit sino ba sa atin ang nakaranas nang sumakay dito?
Ilan kaya sa ating henerasyon ang nakaka-alala sa Philippine National Railways (PNR)? Marahil dahil siguro mas patok ang Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) ngayon kaya hindi na masyadong nabibigyang pansin ang PNR.
Balik operasyon na ang mga tren ng PNR na kasama sa rehabilitasyon sa 10 Point Agenda ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Noong ika-14 ng Hulyo 2009 ay pormal nang ipinakilala sa publiko ang bagong mukha ng PNR.
Dating biyahe
Ang PNR ay itinatag noong 1892, anim na taon bago ang deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas. Ang unang pangalan nito ay Manila Railway Company o MRC. Bago ang ikalawang digmaang pandaigdig, ang serbisyo nito ay umaabot hindi lamang sa Legazpi kundi hanggang Lungsod ng Tabacco sa Bicol. May mga tren din na bumibiyahe pa-hilaga mula Maynila hanggang sa Lungsod ng San Fernando sa La Union.
Noong 1950’s ay pormal nang pinalitan ng MRC ang pangalan sa PNR na mas kilalang tawag ngayon.
Dahil sa matinding pagbaha noong 1973 ay napilitang isara ang ilang parte ng Norte at nasira din ang mga tulay na dinadaanan ng tren sa Camalig noong 1975 kaya ito ang naging simula ng tuluyang pagsasara ng estasyon ng tren sa Legazpi.
Bagong pamunuan
Ibinahagi ni Nicolas Priela, Chief-of-Staff ng Office of the General Manager ng PNR na noong nakaraang taon pa dapat natapos ang unang bahagi ng rehabilitasyon nito. Naurong ang implementasyon kaya hindi nasimulan agad.
“Actually, new leadership ngayon ‘eh, under Chairman Mike Defensor and General Manager Manuel Andal, nag-assume lang sila September of 2008. So nakaka-isang taon pa lang sila, binibilisan at kinukumpleto nga ito kasi delayed na sila,” dagdag pa niya.
Mula nang maupo si Defensor at Andal sa pwesto ay binilisan na umano ang paggawa ng unang bahagi ng rehabilitasyon sa PNR. Dalawang kompanya sa South Korea ang namuno sa rehabilitasyon. Una dito ang Hanjin na pagpupuno ng mga gawaing civil at Rotem na siya namang gumawa ng mga tren.
May dalawang parte ang kasunduan sa South Korean-Linkage Project. Unang bahagi ang Tutuban-Alabang at huli naman ang Alabang-Calamba na popondohan ng KEXIM, isang bangko sa South Korea. Ang double tracking na isinasagawa sa unang bahagi ay tapos na, samantalang sa ikalawang bahagi ay nakatakdang matapos sa Disyembre ngayong taon.
Mga Lubak na dinaanan
Tuloy-tuloy pa din ang rehabilitasyon sa Maynila hanggang Bikol ayon kay Priela. Prayoridad nila ngayon ang muling pagbubukas ng biyaheng Maynila hanggang Bikol. Inaasahan nilang maisasakatuparan ito bago matapos ang termino ni Arroyo sa Hunyo 2010.
“The total rehabilitation is from Manila to Legazpi. The thing is, the two major bridges linking them have been destroyed. One is in Calamba, the San Cristobal bridge was destroyed during typhoon Milenyo. Then the other one in Ginubatan in Bicol, the Travesia bridge in Ginubatan Albay, this was destroyed by typhoon Reming,” paglilinaw ni Priela.
Ang mga nasirang tulay din umano sa Calamba at Ginubatan ang tanging daanan ng tren patungong Bicol. Nakatakdang matapos ang pag-aayos ng dalawang tulay sa susunod na taon. Una na dito ang tulay ng San Cristobal sa Pebrero at tulay ng Travesia sa Setyembre.
Ayon kay Priela, may ilan din umanong mga maliliit na tulay na kailangang gawing concrete tiles na dating wooden tiles na kasalukuyang inaayos. Medyo matagal ang proseso ng pagkakabit ng mga bagong concrete tiles, ngunit isa din itong oportunidad na habang hindi pa nagsisimula ang biyahe mula Maynila hanggang Bicol, pwede na silang magbukas ng biyahe para sa mga pasahero sa ibang istasyon ng PNR upang mapalakas ulit ito.
Bago at Luma
Ang mga bagong tren ng PNR ay gawa sa Korea, bilang parte pa din ng South Korean-Linkage Project, modelong DMU o Diesel Multi Units na pinapaktakbo ng diesel.
Ayon kay Priela, ang disenyo ng mga tren ay galing sa Korea pero ang Pilipinas ang pumili ng kung anong nababagay para sa mga pasaherong Pinoy. May pagkakahawig ito sa ayos ng MRT at LRT dahil ang mga upuan ay nasa gilid ng tren, may maluwang na pasilyo at kapasidad ito mula 120 hanggang 150 na tao. Ang ruta nito ay mula Tutuban-Bicutan at pabalik.
Sa kasalukuyan, mayroong anim na bagong tren na nabili ang PNR. Tatlo dito ay naka-reserba at ang natitira naman ay kasalukuyang ginagamit.
May tinatawag ding “Long Owl” kung saan ginagamit ito para sa mahabang biyahe tulad ng nalalapit na pagbubukas na ruta hanggang Bicol. Ang ayos ng upuan nito ay parang sa ordinaryong bus at may hiwalay na palikuran ang babae at lalake.
Ang mga lumang tren naman ay kasalukuyang ginagamit sa mga biyahe mula Tutuban-Biñan sa Laguna. May dalawang biyahe bawat araw sa umaga at gabi. Ang iba namang mga tren ay inaayos pa ng Santarosa, isang pagawaan ng jeep.
“The total cost is 5.2 million that is still cheap. Kasi kung ipapadala sa labas, it will cost us 25 million. 10 million freight pa lang ‘yun to and from. Then, the whole repair will cost 15 million. We are doing this kasi ginagamit mo na ‘yung local employer, nadadagdagan ‘yung local skills. So, nakakatulong,” pahayag ni Prieda.
Sa ngayon, wala pang planong tuluyang ihinto ang operasyon ng mga lumang tren dahil ang iba dito na nakikita nila na pwede pang gamitin ay kanilang ipinapaayos ngunit ‘yung mga hindi na p’wedeng gamitin ay hindi na pinapayagang bumiyahe.
Buhay sa tabi ng riles
Bilang bahagi ng rehabilitasyon ng PNR, inilipat ng mga tirahan ang mga naninirahan sa paligid nito. Ngunit hanggang ngayon, may mga naninirahan pa din sa tabi ng riles gaya ng nasa Alabang at Caloocan.
Bukod sa hindi pa natatapos na double tracking sa ilang lugar sa Alabang, ang isa din sa mga rason kaya hindi pa pinapayagang bumiyahe ang mga bagong tren ay sa nababahala ang pamahalaan ng PNR na baka sirain ng mga naninirahan sa tabi ng riles ang mga bagong tren.
Hindi na umano sakop ng PNR ang pagpapaalis at relokasyon ng mga informal settlers. Ang ahensiyang namumuno dito ay ang National Housing Authority (NHA) na namamahala sa relokasyon ng mga pamilyang dating nakatira sa tabi ng riles. Karamihan ng mga pamilya ay inilipat sa Laguna, Bulacan at Pampanga.
Tugon ng mga pasahero
Bawat buwan, umaabot lamang sa P 25,000 ang kita ng PNR, pahayag ni Priela. Ngayon, nasa P 2.2 milyon na ito kada-buwan. Tumaas umano ang bilang ng mga sumasakay sa tren at umaabot na ito ng higit sa isanlibo katao sa loob ng isang buwan.
Hindi pa din nila itinataas ang pamasahe dito. Umaabot lamang sa P10 ang bayad mula Tutuban-EDSA at sa mga susunod na istasyon ay P15 hanggang Bicutan.
Ngunit sa kabila ng mga pagbabagong ito, ang dating paraan pa din ng pagbabayad ang ipinapatupaad ng PNR. Hindi ito kagaya sa LRT at MRT na gumagamit ng card. Sa PNR, ticketing system pa din. Pero tinitingnan pa rin nila ang posibilidad ng bagong sistema. Balak nilang gumamit ng barcode at turnstiles.
Sa unang bahagi ng 2010 ay natakdang muling buksan ang Maynila-Bicol na biyahe ng PNR. Isa din sa malapit nang ilunsad ay ang Commuter Service sa ilang parte ng Bicol. “Kasi do’n sa Naga, merong naipit dun na dalawang locomotives at limang kotse. Ang ginawa [namin], inayos together with the repairs and rehabilitation of the bridges.” kwento ni Priela.
Mahigit tatlong taon ding walang tren na bumiyahe sa ilang parte ng Bicol kaya malaking tulong daw ang skate na pinapatakbo at ginagawang negosyo ng mga nakatira sa paligid ng riles upang hindi manakaw ang mga riles.
Ilan sa mga kadalasang pasahero ng PNR ay mga mag-aaral ng iba’t-ibang pamantasan sa ka-Maynilaan. Isa na dito si Kimberly Ibayan na estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa.
“Mas accessible kasi tapat lang ng school ‘yung istasyon at mas masarap sumakay kasi mura. 10 piso lang naka-aircon ka na tapos wala pang polusyon,” pahayag niya.
Mas tipid din daw sa kanya bilang estudyante dahil sa Bicutan pa siya umuuwi at mas mabilis ang kanyang biyahe lalo na kapag papasok siya sa paaralan.
“Bago at ang mga treng ginagamit, maayos at manilis din ang mga ito [tren]. Komprtable para samga pasahero. Mas mura pa kesa sa LRT,” pahayag ni Cherry Ann Rubio, estudyante ng Technological Institute of the Philippines-Manila.
Nakapanayam din namin si Aling Rose, may ari ng isang kainan sa paligid ng opisina ng PNR kwento niya ay nung kabataan daw niya ay parati daw siyang sumasakay sa tren ngunit simula ng nasira ito at naluma ay hindi na siya sumakay muli.
“Hindi ko alam na operational na pala ulit yung tren. Kulang kasi yung anunsyo nila. Tignan mo nga ang lapit lang naming di ko pa alam,” dagdag niya.
Mga nakalinyang plano
Kasama sa mga nakahatag na plano ng PNR ay ang pagpapatupad ng Rationalized Organization. Bilang paghahanda sa planong ito ay binawasan ng pamunuan ang kanilang manpower count, mula 3,000 ay naging 234 na lang ang empleyado ng PNR.
Ang mga empleyado ay inalok ng early retirement at ang iba ay nag-voluntary retirement. Bukod sa GSIS na hanggang ngayon ay wala pa, ang mga natirang empleyado na ayaw pang mag-retire ay dinaan nila sa screening dahil limitado nalang ang kanilang kailangan. At ang mga hindi na naman k’walipikado ay pinayuhan nang magretiro.
Mula Hunyo 2010, may nakahanda na silang plano na may walong taong implementation period. Ang walong taon daw ay termino ng isang General Manager. Ngunit kahit sino pa man ang maging pinuno ng PNR at maging pangulo ng bansa, tuloy-tuloy pa din ang mga nakalatag na plano hanggang makumpleto ang buong rehabilitasyon, pagbabahagi ni Priel.
Kasama sa plano ang pagtaas ng kalidad ng Southrail-Sorsogon Extension. At ang gauge mula sa narrow na gamit ng PNR ngayon na may bilis na 80 kilometro bawat oras ay papalitan ng standard na gamit naman ng LRT at MRT na may bilis na 120 kilometro bawat oras. At sa pamamagitan ng standard gauge, makokonekta ang tren sa Northrail.
Iba pang biyahe
Bilang parte pa din ng plano sa loob ng walong taon, ay muli ding bubuksan ang linya mula Calamba-Batangas Port Line para maikonekta ang PNR sa western nautical highway.
Ang Freight Services din ay balak buhayin muli bilang tugon na sa suhestiyon ng mga pribadong sektor upang madaling maibiyahe ang mga produkto lalo na ang mga produktong agraryo. “I’m from Naga City, my Father was the General Manager of the National Marketing Corporation. ‘Yung mga goods at canned goods na hina-handle nila, fini-freight lang ‘yan papunta dito. Tapos pabalik no’n ‘yung mga agricultural products with the freight service mas maalwan ang buhay ng mga farmers kasi madaling nakakarating ang mga goods,” bahagi ni Prieda.
Isang magandang ambisyon ang planong pagkabit-kabitin ng PNR ang mga pulo sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalakas ng serbisyo ng nito.
Ang tren ng PNR ay magsisimula sa Caloocan papuntang Asistio Avenue, C-3 (5th Avenue), Solis, Blumentritt/Tutuban, Dapitan, España, Sta. Mesa, Beata, Paco, San Andres, Vito Cruz, Buendia, Pasay Road, Edsa, FTI, Bicutan, Sucat at hihinto sa Alabang, ang bawat estasyon ay 10 minuto paghihintay na oras.