Filipino

Sino si Andres Bonifacio sa taong 2009?

November 13, 2009

  • Ni Mark Anthony B. Bassig

    Ilang dekada na rin ang lumipas ng masilayan ng mga Pilipino ang kabayanihan ni Bonifacio na nagbigay daan sa tinatamasa nating kalayaan. Sa ngayon, matatagpuan si Bonifacio sa mga libro at mga monumento, kung saan nababasa at naisasalarawan ang kanyang kontribusyon sa ating bayan. Ngunit mapasa hanggang ngayon alam pa kaya ng mga Pilipino ang tunay na kabayanihan ni Bonifacio? Sino nga kaya si Andres Bonifacio sa paglipas ng panahon?

    Ayon sa Monumento
    Hindi makakaila na pag nabanggit ang pangalang Andres Bonifacio unang pumapasok sa isipan ay isang taong matapang at maituturing na isang tunay na bayani. Sa katunayan, ganito siya inilalarawan sa kanyang mga monumento tulad ng sa Lawton, Maynila-Liwasang Bonifacio; Balintawak, at maging sa mga lungsod ng Quezon City at Caloocan.

    Kaakibat na ni Bonifacio ang Katastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK, kung saan siya namuno at nakipaglaban kasama ang iba pa nating kababayan upang makamit ang inaasam nating kalayaan.

    Sa katunayan, ang Liwasang Bonifacio ang naging sentrong parke ng Maynila. Bilang Ama ng Himagsikan, inilaan ang parke para kay Bonifacio na ipinatayo noong Disyembre 1994 na siya ring naging tagpuan ng mga raliyista na nakatuon sa isyung lokal at pandaigdigan. Binansagan ang parke bilang Malayang Parke ng Pilipinas.

    “Madalas kong makita ‘yang monumento ni Bonifacio sa Maynila kasi nadadaanan ko siya. Buti nga kahit pa’no, naaalagaan siya eh,” bahagi ni Alberto Baraoidan, isang taxi driver.

    Filipino Marat
    Marami ngayon ang hindi nakakapagtapos ng pag-aaral at tanging paghahanapbuhay ang tanging paraan para maiahon ang kanilang sarili sa gutom. Tulad ni Bonifacio, hindi naging hadlang ang kanyang pagiging mahirap para hindi niya matulungan ang kanyang sarili at ang kanyang mga kapatid.

    Maagang naulila si Bonifacio, sa edad na 14 ay inako na niya ang responsibilad bilang mga magulang sa kanyang mga nakababatang kapatid. Bilang hanap-buhay, inatasan niya ang kanyang mga kapatid na tulungan siya sa paggawa ng baston na gawa sa kahoy, at papel na pamaypay na kanyang inilalako sa lansangan.

    Kahit hindi nakapagtapos ng sekondaryang edukasyon si Bonifacio, naisasapuso pa rin niya ang pagiging mambabasa. Natutunan niyang bumigkas ng wikang Ingles nang pumasok siya bilang isang kawani sa J.M. Fleming & Company. Ito ay naging daan para makabasa siya ng mga banyagang nobela at mga libro patungkol sa rebulusyon ng Pransya, pulitiko, batas, at relihiyon.
    Pinunan niya ang kanyang kakulangan sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagbabasa at sariling pag-aaral. Nahiligan niya ang mga nobela ni Jose Rizal, Ang mga buhay ng Pangulo, Ang “Les Miserables” ni Victor Hugo, Ang pagkasira ng Palmyra at Himagsikang Pranses. Ang mga aklat na ito ang nagsiklab sa kanyang kaluluwa upang bumuo ng himagsikan at magtatag ng Katipunan.
    Sa panahon ngayon, marami na ang gaya ni Bonifacio na gumagawa ng paraan para sa ikabubuti ng kanilang buhay, kahit may kahirapan, nandun pa rin ang pagsasaisip na may magagawa at may may pag-asa.

    Tulad ni Corazon Beltran, 56, isang residente ng Cembo sa lungsod ng Makati, bagaman siya ay matanda na, noong mga kasing tanda niya pa si Bonifacio, tumigil din siya sa kanyang pag-aaral ng dahil pagkawala ng kanyang ina na nagsisilbing ama na rin sa kanilang pitong magkakapatid. Tumulong muna siya sa kanyang mga kapatid para may ipangdagdag sa kanyang muling pag-aaral. Isang katangian na maihahambing kay Bonifacio, ang kahirapan ay hindi hadlang para hindi kumilos para buhay ay may patunguhan.
    Sa kanyang pagiging istriktong bayani, pagiging isang matulungin sa kapwa, isang tunay na rebolusyunaryo si Andres Bonifacio na binansagang “Filipino Marat” ni Wesceslao Retana, isang tagapaglingkod noong panahon ng mga Kastila.

    Araw ni Bonifacio
    Bukod sa mga akda sa ating kasaysayan at ang mga natatanging monumento ni Bonifacio, itinakda noong Pebrero 16, 1921 sa pamamagitan ng Akda bilang 2946 ng Saligang Batas ang ika-30 ng Nobyembre bilang Bonifacio Day. Itinuturing na isang official holiday ito bilang pagkilala sa araw ng kapanganakan at kabayanihan ni Bonifacio.

    “Ngayon ay pagdiriwang ng Bonifacio Day, Isang araw din para gumawa tayo ng mga bagay na kabayanihan kahit sa maliit na bagay lang,” pagbabahagi ni Judy Katherine Alforte, isang Filipino professor ng Far Eastern University.

    Sa kabila ng pagkilala kay Bonifacio, nanatili siyang isang dayuhan sa ilan. Nanatiling sikreto ang kontribusyon at mabuting halimbawa ni Bonifacio sa mga Pilipino. “Bonifacio Day ngayon, pero kita mo, parang wala lang sa iba, walang pakialam na parang ordinaryong araw lang,” saad ni Kayrell Padilla, estudyante ng Mass communication sa UP-Baguio.

    Sa paglipas ng panahon na nakatayo ang iba’t-ibang monumento ni Bonifacio, napapanatili pa kaya ang kaayusan ng mga ito?
    “Madalas ninanakaw ‘yung mga tanso d’yan sa estatwa na ‘yan,” pahayag ni Isaac Aldan, tindero sa tabi ng monumento sa Liwasang Bonifacio. Sa pangyayaring pagnanakaw, nagpapakita ito ng hindi natin pagkilala at pagrespeto sa bayaning nagsilbi para sa ating bayan.

    Malaya na ang Pilipinas mula sa mga dayuhan, ngunit tila nagpapaalipin naman ang iba sa kamangmangan at kahirapan. Ang kuwento ni Bonifacio ay kuwento ng bawat Pilipino. Daang taon man ang lumipas, ang kanyang aral at adhikain ay mananatiling unibersal.
    Subalit, mananatili na lamang bang sikreto ang kuwento ni Bonifacio at ng ilan pa nating mga bayani sa ating kasaysayan? Magmimistula na lamang bang palamuti ang mga monumento na dapat sana ay maging paalala ng kagitingan ng mga naunang Pilipino?